Ang Mga Wika ng Pilipinas

“ANG TINATAWAG na ‘mga wika ng Filipinas’ ay ang iba’t ibang wikang katutubo na sinasalita sa buong kapuluan. Hindi tiyak ang bilang ng mga ito, ngunit may nagsasabing 86 at may nagsasabing 170. Itinuturing ang bawat isa na wika (language sa Ingles) dahil hindi magkakaintindihan ang dalawang tagapagsalita nitó na may magkaibang katutubong wika…”
———————————————————————————————————————————————————————————————
(PCIJ Note: Teksto halaw sa “Madalas Itanong Hinggil sa Wikang Pambansa (Frequently Asked Questions on the National Language)” na akda ni Virgilio S. Almario* at Salin sa Ingles ni Marne L. Kilates; at impormasyon mula sa Census of Population and Housing, Philippine Statistics Authority, at Komisyon sa Wikang Filipino.)
———————————————————————————————————————————————————————————————

Mga Pangunahing Wika sa Iba’t-Ibang Rehiyon ng Pilipinas

MGA DIYALEKTO
“Bawat isa sa mga wika ay may mga sanga at tinatawag na mga diyalekto na maaaring magkaiba sa isa’t isa sa ilang katangian. Ngunit nagkakaintindihan ang dalawang tagapagsalita na may magkaibang diyalekto…”

WIKANG KATUTUBO
“Dapat tandaan, ang itinuturing na ‘wikang katutubo’ ay alinman sa mga wika na sinúso ng isang tao na ang mga magulang ay may angkang katutubo sa Filipinas. Kabílang sa wikang katutubo ang pangunahing gaya ng Tagalog o Waray o ang maliit na gaya ng Higaonon o Ivatan. Kahit maraming nagsasalita ngayong mamamayan ng Filipinas ay hindi maituturing na wikang katutubo ang Tsino o kahit ang Ingles.”

Ang Kasaysayan ng Wikang Filipino

MGA PANGUNAHING WIKA NG PILIPINAS
“Tradisyonal na tinatawag na walong pangunahing wika ng bansa ang Bikol, Ilokano, Hiligaynon, Pampanggo, Pangasinan, Sebwano, Tagalog, at Waray (Samar-Leyte). Malimit ding tawagin ang mga ito na wikang rehiyonal. May pagkakataóng isinasáma sa pangkat ang Mëranaw, Tausug, at Magindanaw. Ang karaniwang katwiran sa “pangunahing wika” ay dahil (1) may malaking bílang ito ng tagapagsalita, karaniwang umaabot sa isang milyon ang tagapagsalita, o (2) may mahalagang tungkulin ito sa bansa bílang wika ng pagtuturo, bílang wikang opisyal, o bílang wikang pambansa.”

—————————————————————————————————————————————————————————————-
* Si Virgilio Almario, mas kilala sa taguring “Rio Alma”, ay isang Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura (National Artist for Literature), makata, literary historian, kritiko, at tagapagsalin ng mga tula, dula at nobela, lalo na ng mga akda ni Jose Rizal. Siya nagayon ang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino.