October 11, 2009 · Posted in: General

Oda para kay Alecks Pabico

Oda para kay Alecks Pabico
(April 19, 1967-October 7, 2009))

Ang heograpiya ng alaala
ay bulalakaw na lamon-lamon ng araw
sa tag-araw ng iyong buhay.

Nag-krus ang ating landas sa pasilyo
ng Vinzons kung saan ang panulat
ay ipo-ipong nagsisimula sa matang tubig.

Umalon ang panahon.

Inanod ang kahapon at nagsangandaan ngayon:
nasa pampang ng ating mga alaala ang mapa ng unos.

Kung paanong tinuruan mo kaming titigan ang bagyo,
iwasiwas natin ang pagsira at pagbuo.

Katulad ng buntot pagi na hawak-hawak mo.

-Richard R. Gappi*
10 Oktubre 2009
10:21pm
Angono, Rizal, Pilipinas
*Papaalis na sa Kule (Philippine Collegian, ang dyaryo ng mga mag-aaral ng UP Diliman) si Alecks Pabico nang matanggap at pasang-awa naman si Gappi bilang Features probee writer sa Kule noong 1993. Nakapasa si Gappi sa Kule exam matapos ang siyam na ulit na pagtatangka.

Comment Form